Impyerno ang gustong iparanas ni Gloria Arroyo sa mga manggagawa sa Mindanao sa pag-uutos niya na i-iskedyul ang operasyon ng mga pabrika sa gabi habang minamantine ang rotating brownout na tumatagal ng walo hanggang sampung oras sa araw, ayon sa sentrong unyong Kilusang Mayo Uno.
Iniutos ni Arroyo sa mga kumpanyang pangmanupaktura sa Mindanao at sa mga manggagawa nito na gawing mula 9 n.g hanggang 5 n.u. ang oras ng trabaho matapos na ideklara ang state of calamity sa Mindanao noong nakaraang linggo.
“Kahit ang mga call center agent mismo ay nagrereklamo sa graveyard shift, paano pa kaya ang mga manggagawang hindi sanay dito? Ang masama pa rito, gusto ni Arroyo na maging balisa ang tulog ng mga manggagawa dahil sa patay-sinding kuryente at nakakapasong init sa araw,” ani Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.
“Hindi sinosolusyonan ng gobyerno ang krisis sa enerhiya sa utos na ito. Panakip-butas at ubos-oras lamang ang hakbang na ito, sa pagbabasakaling lilipas din ang kakapusan sa kuryente. Ang kinakailangang gawin ng gobyerno sa minimum, itigil nito ang pagbebente ng marami pang hydropower plants sa mga dayuhang korporasyon,” dagdag niya.
Binalaan din ni Labog ang mga kumpanyang naka-base sa Mindanao laban sa paggamit sa rotating brownout bilang palusot sa pagtanggal sa mga manggagawa.
“Panawagan namin sa mga kumpanya na huwag nang doblehin pa ang kalbaryo ng mga manggagawa mula sa tanggalan at kawalan ng kuryente. Sa halip, dapat nilang igiit sa rehimeng Arroyo ang mabilisan at epektibong solusyon sa krisis sa enerhiya imbes na magpataw ang huli ng mga pabigat na deklarasyon,” ani Labog.
“Sa tangkang pagtakpan ang kriminal na kapabayaan ng kanyang rehimen sa kritikal na pangangailangan ng bansa sa enerhiya, pwersahang ipinapataw ni Arroyo sa mga manggagawa at mamamayan ang dagdag na sakripisyo. Pinapagdusa niya na naman ang mga Pilipino dahil sa patakarang pribatisyon, lalo na sa sektor ng enerhiya,” dagdag ni Labog.
Ayon kay Labog, ang pagbebente ng mga planta ng enerhiya sa mga dayuhang korporasyon sa mga nagdaang taon ang sumaid sa enerhiyang dapat sana’y nagagamit ngayon kung kailan lubhang kailangan ito. Sinabi rin niya na nagpatumpik-tumpik lamang ang rehimeng Arroyo kahit na matagal nang nakita nito ang pagdating ng El Niño.
www.kilusangmayouno.org





