Kilusan.Net

E-mail Print PDF

Protesta mga magsasaka, sasalubungin ng mga manggagawa at mamamayan

Sasalubungin ng mga manggagawa at mamamayan sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno, para ipahayag ang suporta, ang mga magsasakang mula sa iba't ibang rehiyon ng bansa na maglulunsad ng isang-linggong kilos-protesta dito sa Kamaynilaan para kondenahin ang mga kontra-magsasakang iskema ng mga panginoong may-lupa at malalaking kapitalista, kasabwat ang gobyernong Aquino at igiit ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa. Ito ang unang araw sa isang-linggong protesta ng mga magsasakang nagmula pa sa rehiyong Ilocos, Cordillera, Gitnang Luzon at Timog Katagalugan. Maglulunsad sila ng isang-araw na protesta sa Korte Suprema at talong-araw na kampuhan sa Mendiola.

"Lubos naming sinusuportahan ang mga magsasaka na hindi inalintana ang layo at hirap ng pagpunta rito sa Kamaynilaan para lamang maiparating ang kanilang mga panawagan. Lalo pang pinalala ng gobyernong Aquino ang dati nang kalunus-lunos nilang kalagayan," ani Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno.

"Tulad ng mga manggagawa na inaalisan ng mga malalaking dayuhan at lokal na kapitalista ng batayang karapatan sa disenteng pasahod, seguridad sa trabaho, at karapatang mag-unyon, kinakamkam ng mga panginoong-maylupa ang lupain ng mga abang magsasaka. Ang gobyernong Aquino mismo ang tagapagtaguyod ng ganitong pagsasamantala, sa halip na ipagtanggol nito ang mga kawawang magsasaka at manggagawa," ani Soluta.

"Ang pagpapahintulot at pagbasbas ni Aquino sa desisyon ng Korte Suprema nitong nakaraang Hulyo na pumapabor sa lalo pang paghigpit ng kontrol ng pamilyang Cojuangco-Aquino sa Hacienda Luisita ay hudyat ng mas malawakan pang pagsasamantala sa mga magsasaka sa buong bansa," dagdag ni Soluta.

Tampok na mga halimbawa pa ng pagpapatalsik ng sabwatang gobyerong Aquino, malalaking kapitalista at panginoong maylupa sa mga magsasaka sa kanilang lupang-sakahan ang mga sumusunod:
- Pangangamkam ng SM Lands at SM Development Corp. (SMDC) sa mahigit 8,650 ektarya ng Hacienda Looc sa Batangas para pagtayuan ng proyektong Harbour Town at pook-libangan ng mga dayuhan at iilan.
- Pagsubasta sa mahigit 11,000 ektaryang lupang agrikultural sa bayan ng Isabela para pagtamnan ng tubo para sa proyektong bio-ethanol. Napagkasunduan ito sa pagbisita ni Aquino sa Japan noong isang taon.
- Marahas na pagpapatalsik sa mga magsasaka sa Hacienda Gantuangco sa Cebu noong Agosto 28.
- Ang pagtatalaga ni Aquino kay Mar Roxas bilang kalihim ng Department of Transportation and Communications para tiyakin ang pagpapatupad ng proyektong MRT-7 na magreresulta sa kumbersyon ng mga lupaing agrikultural na kinakamkam ng pamilya ni Roxas at Araneta sa Tungkong Mangga at San Jose del Monte, Bulacan.

"Hinihikayat din namin ang kalakhan ng sambayanang Pilipino na suportahan ang laban ng mga magsasaka para sa lupa, kabuhayan at katarungan," ani Soluta.

from: kilusangmayouno.org
 

Follow us on Twitter